"The only thing that is hindering us from fulfilling God’s purpose for us is our FEAR." - Beth Moore (@Life Today)
"You CAN make it!" - Dr. Jim Cecy (@ Sunday Worship)
"DO NOT BE AFRAID." - Joshua 1:9
"Nagpaparinig ka na ba God?" - sabi ko
Kahapon, nanood ako sa cable ng Life Today. Speaker nila dun si Beth Moore. Dun ko rin narinig yung "The only thing that is hindering us from fulfilling God’s purpose is our fear." Hindi dahil kulang ka sa talento. Hindi dahil hindi ka magaling. Hindi dahil kulang ka sa grasya. Kundi dahil takot ka.
Halos dalawang buwan na lang, magboboard exam na ako. Kailangan kasi yun para mabigyan ng lisensya ang mga med tech, at syempre para makapagtrabaho. Kahapon, parang ayokong pumunta ng school kasi a) tinatamad ako at b) ayokong kunin ang mga requirements ko. Natatakot akong pag kumuha na ko ng requirements at nagpasa ng mga ito sa PRC, hindi na ko pwedeng umatras pa. Natatakot akong bumagsak.
Kani-kanina lang, may ibang kahulugan na naman ang mga salitang yan para sa akin. Dati kasi lagi akong sinasabihan na "Mag-aral ka ulit para maging doktor", na sinasagot ko naman ng "Ayoko." Bakit ayaw ko? Dahil natatakot ako. Natatakot akong baka maging isang pag-aaksaya lamang ng pera ang gagawin kong pagpasok sa med school. Natatakot akong baka katamaran ko lang ang pag-aaral ulit at basta na lamang itapon ang lahat ng nasimulan. Natatakot ako sa sasabihin ng iba pag hindi ako naging magaling na doktor. Natatakot akong matali na lang sa pagtatrabaho. Natatakot akong mamatayan ng pasyente at mas lalo pa ang makapatay ng pasyente. Natatakot akong magkamali. Natatakot akong pumalpak. Natatakot ako.
Ngayon, kinikiliti na naman ng ideyang med school ang utak ko. Nangungulit na naman. Kinakausap mo na ba ako, God? O matagal mo na siguro akong kinakausap pero masyado lang talaga akong naging bingi?
Hindi ko pa rin alam hanggang ngayon kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung ano ba talagang papel ang gagampanan ko. Bakit ba ako nandito?
Hindi lang naman ito ang mga bagay na kinatatakutan ko. Pero ano nga bang ikinakatakot ko? May nangako sa akin na hindi ako iiwan, na mamahalin ako kahit anong mangyari. At Siya rin naman ang dahilan kung bakit ako umaasa sa bukas, sa muling pagkikita. At Siya rin naman ang nagbibigay sa akin ng dahilan para huminga ng huminga, kahit nakakapagod na minsan. At bakit ako matatakot?
bakit nga ba?