.
nung friday, may natanggap akong text mula kay batsie na kaylangan daw ng reliever sa clinic nila. 500 DAW… naisip ko, "hmmm, wala pa naman akong plano sa sabado… ano kaya?" kaya nagbaka-sakali ako at nagtanong kung ilang oras naman yun at kung anong gagawin ko dun kung saka-sakali. nang biglang naging 350 na lang. at dahil sabi nga ni batsie na lugi ako sa pamasahe palang, e hindi na rin ako pumunta.
.
sabado
natupad din sa wakas ang pagpipintura ko ng kwarto. matagal ko na kasing sinasabi na gusto ko ng kwarto na kulay pink. ayoko ng malamyang pink. gusto ko masayang pink. nagsusumigaw na pink. nang-aakit na pink. pink na kahit patay ang ilaw sa kwarto ko, magsasabing pink pa rin xa. pink na nakakaeng-ganyo titigan. pink na kakaiba. pink na may halong pula. pink na matapang ang timpla. pink na akong ako talaga.
kahit tanghali na, umalis pa rin ako ng bahay para hanapin ang sinasabi kong kulay. nagbihis. dumerecho sa mall. pumunta sa ACE hardware. unang beses kong makapasok sa loob ng ACE hardware. ganon pala ang itsura sa loob. at dahil hindi ko alam kung saan hahanapin ang mahiwagang pintura, nagtanong na lang ako sa butihing salesman. itinuro niya ako sa section 2 (ata yun). malayo pa lang ako, parang gusto kong mahilo. hindi ko alam kung anong ginagawa ko. hindi ko alam kung anong eksaktong gusto kong kulay. hindi ko alam kung anong klase ang bibilhin. ang alam ko lang, gusto ng pintura. makailang ulit akong nagpaikot-ikot at tumingin-tingin sa balde-baldeng pinturang nakadisplay. hindi ko talaga alam ang ginagawa ko. sumagi rin sa isip kong umuwi na lang. pero ayoko. ayokong umuwi ng walang bitbit na pintura. naisip kong magtanong na lang ulit, tutal naman e hindi ko talaga alam kung anong ginagawa ko. bakit pa ko magdudunung-dunungan. gusto ko talaga ng pintura. gusto ko yung tama ang timpla. may nakita akong salesman ulit. sa kanya ko tinanong kung pwede bang magpahalo ng pintura. tinuro niya ako sa isa pang salesman. abel christian ang pangalan. pinakitaan ako ng listahan ng mga kulay. ang dami. iba-iba. ang sarap mamili. ang daming pagpipilian. at dahil nakikinita ko na sa isip ko ang kulay kong gusto, hindi ko na tinignan yung ibang kulay. nang makita ko yung two lips. nagustuhan ko kaagad. pinakitaan pa ako ng sample sa astig nilang kompyuter. maganda kako. tama ang timpla sa pakilasa ko. tinanong ko kung magkano. higit sa isang libo. butas ang bulsa. taob ang sweldong pinagkatipid tipid. ang akala kong limang daan dumoble. triple pa nga kung susumahin. bumili kasi ako ng mahiwagang roller kit. di bale na kako tutal matagal ko na rin itong pinagplanuhan, ipinagdasal, pinangarap. basta ngayon, magpipintura ako.
maraming kulay pero may nagustuhan ako agad. tinignan namin ito sa astig nilang kompyuter. at dahil gusto ko na ang kulay, nagpipindot na ang butihing salesman sa astig na kompyuter para malaman kung paano titimplahin ang mahiwaga kong pintura. bago lang daw xa at ninenerbyos. naiintindihan ko naman. ako man dumaan sa pagiging bago. sige lang kako. handa naman akong maghintay. kumuha siya ng puting pintura. binuksan ito at itinapat sa malupit nilang lalagyan ng ibang kulay. parang lalagyan ng ketsup pero mas malaki at mas malupit. naglabas ito ng maladugong kulay. hinalo ito sa puting nauna. sa isip-isip ko, tapos na ba? paano naman hahaluin ang pintura. hindi pa pala tapos. nilagay nya pa ito sa isang nakakatakot na gadyet. ang totoo, sa unang tingin parang walang espesyal sa gadyet na ito. pero nang ito’y kanyang paandarin, nanghilakbot ako! kinalog nito ang dalawang lata ng pintura ng buo nitong lakas! mabilis! taas, baba! taas, baba! hindi lamang ito basta pagkakalog ng lata. tila galit ata ang gadyet na ito. o sadya lamang na ganoon para magampanang mabuti ang paghahalo ng pintura. ilang minuto ang lumipas, nilabas na rin ang nahihilo ko nang lata. bunuksan ito. ten-ten-nen-ten! presto! hindi na ito puti. pero tila namutla ata ang pintura ko sa sobrang pagkakakalog. "magdadarken pa po ma’am yan, pag natuyo," paniguro naman ng butihing salesman. "gusto nyo po makakita ng sample pag natuyo?" ngumiti ako at tumango. nang mapakitaan ako ng kulay, tinanong ko ulit kung magkano. kinapa ang pera sa bulsa kong taob na. nagpaalam na akong magbabayad. "ihahatid ko na po kayo, ma’am," sabi ng butihing salesman. bumili na rin ako ng mahiwagang roller kit. baka kako wala sa bahay at maudlot lang ang aking pangarap na pagpipintura. salamat sa butihing salesman na ito at naging madali at masaya ang aking una (at nawa’y hindi huli na) pagpunta sa ACE hardware at pagbili ng mahiwagang pintura.
pagkatapos magbayad, tinanong ako ng isa pang mabait na salesman. "kaya nyo na po ma’am?" ngumiti ako at tumango. nagpasalamat at umalis. pakiramdam ko’y may mga matang nakatingin sakin. nagtatanong. ano kayang ginagawa ng batang ito dala ang dalawang supot na mula sa ACE hardware? basta ako, magpipintura. ang mga unang minuto ng pagbubuhat ng isang galong pintura ay walang anuman. pero hindi pa man ako nakakalabas ng mall tila bumibigat ata ang pintura. pakiramdam ko’y nakikipaghilahang-lubid ang kaliwa kong braso sa gravity. kailangan kong lumaban pero kamusta naman ang balinkinitan kong pangangatawan. nakarating naman ako ng bahay ng maayos. yun nga lang hindi pa man ako nagsisimulang magpintura, ngalay na ang kaliwa kong braso. determinado akong magpintura. bagay na hindi ko alam kung kailan ko huling naramdaman. kumain ako, kako pampalakas. bumili ng coke, kako pamatid-uhaw.
pasado alas dos na nang magsimula akong ilabas ang mga gamit sa kwarto. kailangan dahil pader ang pipinturahan ko. kawawa naman ang mga gamit kung pati sila’y paliliguan ko ng pintura. pagkatapos ng isang oras ng pagtulak, paghila, pagbuhat ng mga gamit kong halong magaan at mabigat, nakita ko ang sarili kong nagtatanggal naman ng mga screw. anong petsa pa kaya ako makakasimulang magpintura? inaliw ko na lang ang sarili ko sa pagkanta.
malapit nang mag-alas-kwatro noon. nakatingin ako sa pader na dating mapusyaw. eto na. eto na. eto na! mag-iiba na ang kulay ng mundo. sa mga unang pahid ng pintura, hindi ko maiwasang mapangiti. nakakalokong pag-ngiti. parang ngayon ko lang kasi ulit naranasan ang magplano at tumupad ng plano. marami kasi akong gustong gawin. gustong gawin lang. gusto ko nito. gusto ko nyan. pero gusto ko lang. ano kayang meron sa pagkakagusto? at ano kayang nawawala pag nasa sa’yo na ang bagay na matagal mo nang ginusto?
madali lang naman. ibubuhos mo ang pintura sa malupit na tray. ilunod ang mahiwagang roller brush dito. ikaskas upang matanggal ang sobrang pintura. at hayaang halikan ng roller brush ang pader. presto! ang dating mapusyaw kong mundo, ngayon nabibigyan na ng bagong kulay. isa sa mga natutunan ko sa karanasang ito ay ang kahalagahan ng extension rod. kung extension rod nga ang tawag sa tinutukoy ko, hindi ko alam. yun yung ikinakabit sa dulo ng roller brush (kung maliit na klase ang roller brush mong nabili) para hindi ka na mag-akyat panaog sa hagdan habang nagpipintura. wala ako non kaya mejo nahirapan ako. isang dereksyon lamang dapat ang pagpipintura para pantay at maganda ang kalalabasan. pagkatapos ng siyam na oras ng pagpipintura (pagkanta, pagcha-chat, pagluluto ng ulam, pagkain ng hapunan at meryenda at ang ilang minutong break na maraming beses na naulit), sinukuan ko rin ang pagpipintura. pagod na ang katawan kong daig pa ang nagpunta ng gym. pahinga muna kako. hindi na ko nakapaghilamos o nakapagsipilyo man lang, basta ang natatandaan ko makaraan ang ilang minuto mula nung ilapat ko ang likod ko sa kama, tulog na ako.
pagkatapos ng apat na oras, nagising ako. mabigat ang katawan. parang bakal yung dalawa kong braso. masakit. pero hindi pa ko tapos magpintura ng bintana. kailangan ko pa ring maglinis. kahit mabagal, sumigi pa rin ako sa pagpipintura. pagkatapos ko doon, nilinis ko ang sahig kong punung-puno ng mga patak ng pintura at bakas ng tsinelas kong naapakan ang pintura. alas nuebe na nung nagsimula akong magbalik ng mga gamit sa kwarto. inayos ito sa porma at binigyan ng bagong mukha ang mga pwede namang baguhin.
linggo. alas diyes ng umaga. sa wakas nakatikim muli ng tubig ang nauuhaw at nanlalagkit kong katawan. halong pawis, dumi at pintura na ang nasa balat kong kinailangan ko pang gamitan ng paghilod. ang sarap sa pakiramdam! bata akong ayaw nang lumabas sa banyo para maglaro ng tubig. natanggal ang init at pagod sa katawan. UYY! FRESH!
kahit bagong ligo, hindi pa rin naalis ang sakit ng katawan ko. kung kahapon magkabilang braso lang ang masakit, ngayon magkabilang hita ko ay masakit na rin dahil sa paglilinis ng sahig. pero linggo ngayon at gusto kong magsimba. nagbihis ako at lumabas ng kwartong may nakaplaster pa ring nakakalokong ngiti sa mukha. bagaman hindi pa tapos ang pagsasa-ayos ko ng kwarto, masaya akong nabigyang kulay na ang dati kong mapusyaw na mundo. tuwing nakikita ko ang dingding na pinaghirapan kong pinturahan, hindi ko mapigilang hindi padaanin ang mga daliri ko rito. at kahit anong maging opinyon ng ibang tao rito, maganda ito sa mga mata ko. yun naman ang mahalaga dahil HELLO! KWARTO KO KAYA TO! hahaha!
ang itim na kisameng gusto ko, malayo pa sa katuparan (o kung matutupad man hindi ko alam). pero sa kung ano na ang meron ako ngayon, masasabi kong may kasama pang ngiti na masaya ako. naaalala ko tuloy ang dati kong propesor, sabi nya sa amin (nabasa nya lang din daw ito sa isang magazine): "WHAT THE MIND CAN CONCEIVE, THE BODY CAN ACHIEVE." ano pang gamit ng katawang bigay ng Diyos kung hindi rin lang para isakatuparan ang mga bagay na magbibigay ng papuri sa Kanya? tunay palang mas maganda sa totoong buhay ang dati’y pinapangapangarap ko lamang.
.
.
.
ALOK-BATI
salamat nga pala, xmpre ke papa God na kahit pagod na ko e binibigyan pa rin ako ng dahilan at lakas para tapusin kung ano yung sinimulan ko.
salamat kay abel christian, ang butihing salesman sa ACE hardware, sa pagiging mabait at magalang na salesman. bago pa man ako magtanong tungkol sa pintura, may inalok na syang produkto sa akin. nawa’y nandyan ka pa rin sa susunod kong pagdayo sa ACE. astig mo!
sa ACE Hardware, buti na lang may ganun sa Festival. kung hindi baka dumayo pa ako sa Southmall para lang bumili ng pintura. nga pala, may sarili silang brand ng pintura. ganun yung pinturang nabili ko e! heheheh!
salamat sa tatay kong hindi napapagod magpayo sa akin. kahit makulit ako tungkol sa kulay na itim na lagi nyang pinagdududahan babagay o hindi, hindi ko narinig sa kanya na pangit ang kinalabasan ng mga naisip ko. at tungkol naman sa kulay pink na nagustuhan ko, "pink na pink ah" lang ang natatandaan kong narinig mula sa kanya. ang mga opinyon nya, gusto ko kung paanong binabanggit at hindi pinipilit. salamat po!
salamat sa nanay kong laging sinasabing buksan ko ang electric fan at exhaust fan sa kwarto ko habang nagpipintura ako. kaso lang nung mga panahong iyon, gusto kong mala-sauna ang kwarto ko. pero salamat pa rin xmpre! happy mother’s day! hehehe! (hanep sa banat e no!)
kay jeds, na tinulungan akong magbuhat ng malaki kong cabinet! ano namang laban ng balinkinitan kong katawan sa cabinet kong mas matangkad pa sakin. salamat sa tulong niya sa pagbubuhat. at sa paghuhugas ng plato nung kinagabihan na kumain kami at nagpipintura pa rin ako.
kay nija, dahil sinabi nyang maganda ang kulay. nawa’y mainspire syang magpintura na rin ng kwarto.
at sa astig kong kompyuter, na naging tila radyo nung araw na nagpipintura ako. nakakatanggal ng pagod yung tugtog. hindi ko napansin na siyam na oras pala akong nagpintura dahil aliw na aliw ako sa pag-sing-along! hahahaha!
.
maraming maraming maraming salamat po sa inyong lahat! BOW!